Nagkaroon ng konsultasyon tungkol sa binubuong Saligang Batas ng pahayagan ang Tanglaw kasama ang CDC Student Council (CDC SC), sa isang pagpupulong ng CDC Executive Committee kanina, Marso 11.

Sa loob ng halos isang oras, kumalap ang mga kinatawan ng mga mungkahi para sa Saligang Batas ng Tanglaw, ang magiging alituntunin ng itinatayong student publication sa Devcom. Ang Saligang Batas din ang nagsisilbing dokumento na magiging batayan ng pagkuha ng recognition ng pahayagan mula sa pamunuan ng CDC.

Binubuo ang CDC Executive Committee ni CDC Dean Ma. Stella Tirol, mga department chair, mga kinatawan ng mga komite, at iba pang opisyal ng kolehiyo. Nagkaroon ng kaparehong konsultasyon sa mga CDC student organization noong Agosto 2023, at sa isang Council of Student Leaders (CSL) noong Oktubre 2023.

Naging kinatawan ng mga student institution ang inyong lingkod, Reuben Pio Martinez (Managing Editor), Jerome de Jesus (Associate Managing Editor for Internal Affairs), Neil Andrew Tallayo (Associate Managing Editor for Longform Reporting), at si CDC SC Chair Jelaine Kate Pagayon.

Ang recognition ay mahalaga para sa Tanglaw upang makuha ang mga benepisyo na nakalaan para sa isang student publication, gaya ng pagiging kapantay sa CDC SC bilang isang student institution. Mas mapapalakas din nito ang pagbabalita ng pahayagan sa kolehiyo, dahil magiging pormal na ang ugnayan ng pahayagan sa mga kakabit na institusyon sa Devcom.

Kabilang sa mga napag-usapan sa pulong ang pagpapanatili ng independence ng pahayagan mula sa ibang institusyon sa kolehiyo, gaya ng CDC SC at ng pamunuan ng kolehiyo. Tinalakay rin ang mga hakbang na isinasagawa ng pahayagan upang mapanatili ang tama at kumpletong pagbabalita, gaya ng pagsunod sa Tanglaw News Guidelines and Stylebook to Devcom.

Ilan sa mga napag-usapan sa pulong ay ang mga sumusunod:

  • Kagyat na paglilinaw sa pamunuan ng College of Economics and Management (CEM) sa naging pamamaraan ng Tanglaw sa pagsulat ng istorya tungkol sa CEM student publication.
  • Sa usapin ng student fees at ang paggamit nito ng Tanglaw, kung saan itinakda ng Republic Act 9500 o ng University of the Philippines Charter na “Subject to due and comprehensive consultation with the students, there shall be a student publication established in every constituent unit and college to be funded by student fees.” Ang hakbang ng Tanglaw ay unahin ang proseso ng pagkuha ng recognition sa kolehiyo, upang mas pormal na makausap ang university-level offices tungkol sa kinakailangang proseso. Mungkahi naman ng mga kasapi ng CDC ExeComm na alamin ng Tanglaw ang prosesong pagdadaanan patungkol sa student fees bago ang pormal na recognition.
  • Paglilinaw sa konsepto ng “independence” ng pahayagan, kung saan idinetalye ng mga kinatawan ng Tanglaw na dito papasok ang maaaring maging pagtutulungan ng student publication, CDC SC, at ng administrasyon sa mga isyung nasasaklaw sa kanila.

Ito ang huli sa mga serye ng konsultasyon ng Tanglaw sa Saligang Batas nito. Samantala, bubuksan sa mga susunod na araw ang Saligang Batas ng Tanglaw para sa mga komento at suhestiyon ng mga mag-aaral at faculty ng kolehiyo. 

Pagkatapos nito, magkakaroon ng isang General Assembly ang mga kasapi ng pahayagan upang pag-usapan ang mga pagbabagong iminungkahisa mga serye ng konsultasyon. Matapos ratipikahin ng mga kasapi ng pahayagan, iaakyat ang Saligang Batas sa isang emergency CSL sa mga susunod na linggo upang makuha naman ang pagsang-ayon ng mga mag-aaral ng kolehiyo. 

Ang CSL ang pinakamataas na consultative body sa mga mag-aaral ng Devcom, at dito rin tinanggap ng mga mag-aaral ang pagkakapili sa unang Editor in Chief ng pahayagan at ang naging pangalan ng Tanglaw.

Kapag nakuha ang pag-apruba sa emergency CSL, isusumite ang Saligang Batas kakabit ng mga kaugnay na dokumento sa opisina ni Dean Tirol para makuha ang opisyal na recognition ng kolehiyo. Ito ay sa pamamagitan ng administrative memorandum, ayon sa naging talakayan sa konsultasyon.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring basahin ang kabuuan ng Tanglaw Recognition Primer, isang dokumento na nawa’y magpalinaw sa proseso ng recognition. Maraming salamat sa inyong pagsuporta sa Tanglaw! ■

Si Ian Raphael Lopez ang kasalukuyang editor in chief ng Tanglaw

May komento tungkol sa istoryang ito? Ipadala

Design a site like this with WordPress.com
Magsimula